Hinihintay na lamang ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang pondo upang masimulan na ang isa sa pinakamalaking proyekto ng pamahalaan, ang Mindanao Railway Project (MRP).
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, sa isinagawang Post SONA 2023 Philippine Economic Briefing sa Davao City, nasa P81.67 billion ang kakailanganin para sa Phase 1 ng MRP mula Tagum City sa Davao del Norte hanggang Digos City sa Davao del Sur.
Ang 100.2-kilometer railway project na may walong station ay makakatulong sa 122,000 na mga pasahero bawat araw upang mabawasan ang travel time nito.
Maliban dito, makakatulong rin ang nasabing proyekto para mabawasan ang emission at ang problema sa trapiko.
Samantala, inanunsyo naman ni Secretary Bautista na may 46 projects ang ahensya para sa Mindanao ngayong taon, kabilang na dito ang sampu sa aviation, pito sa maritime, labing-apat na railways at labinglimang daan.| ulat ni Sheila Lisondra| RP1 Davao