Isang resolusyon ang inihain ni House Committee on Appropriations Vice-Chair at Surigao del Norte Representative Francisco “Bingo” Matugas II para maitaas ang pondo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa susunod na taon.
Sa inihain nitong House Resolution 1210, binigyang diin ni Matugas na hindi sasapat ang ipinapanukalang pondo ng DHSUD para tulungan ang mga local government unit (LGU) na bumuo at ipatupad ang Comprehensive Land Use Plans, Zoning Ordinances, at Provincial Development and Physical Framework Plans. Ito ay habang hindi pa naisasabatas ang National Land Use Policy Law.
Sa kasalukuyan 708 sa 1,515 na LGU ang mayroong outdated o luma nang CLUPs at may 66 na hindi pa nakakabuo.
Ayon sa mambabatas, kakailanganin ng DHSUD ang lahat ng tulong para makamit ang target na magkaroon ng CLUPs ang lahat ng LGU pagsapit ng 2028.
Kaya naman hiling ni Matugas na madagdagan ng ₱64,669,000 ang pondo ng naturang ahensya.
Partikular dito ang ₱58.949-million para sa Land Use Planning and Management, Capacity Building, and Advocacy Programs (for LGUs, Land Use Committees and Key Stakeholders; ₱3.750-million para sa Policy Development (Research and Policy Formulation), at ₱2-million para sa Establishment of Planning Laboratory (Information Systems, Software Subscriptions, and Working Space.
Batay sa 2024 National Expenditure Program, ang budget ng DHSUD ay ₱3.197-billion.
Nasa ₱2.551-billion ang sa Office of the Secretary at ₱646.445-million para sa Human Settlement Adjudication Commission. | ulat ni Kathleen Jean Forbes