Humirit ang dalawang lady solon sa mga kasamahang mambabatas na dagdagan ang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa susunod na taon, partikular para sa programa na tutulong sa mga adolescent mother.
Sa budget briefing ng ahensya, nausisa ni ACT-Teachers Party-list Representative France Castro ang tila kawalan ng pondo ng DSWD para tugunan ang mga pangangailangan ng mga batang ina.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian mayroon namang inilaang ₱10-million budget sa ilalim ng Protecting, Psychosocial Support and Other Interventions for Adolescent Mother and their families, ngunit ito ay mababa kaysa sa kanilang hiling.
Punto naman ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas dapat nang taasan ang naturang budget dahil tumataas din ang bilang ng mga kabataang nabubuntis.
Sa 2023 budget ay halos kaparehong halaga ang inilaan para sa programa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes