Pagkakaisa ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa paggunita ngayong araw ng Ninoy Aquino Day.
Sa mensahe ng Punong Ehekutibo, hinikayat nito ang mga Pilipino na magkaisa maging ang mga nasa ibang bansa habang binigyang-diin nito na dapat na ring maisantabi ang politika alang- alang sa mamamayan at kaunlaran ng bayan.
Kung magkakaisa, sabi ng Pangulo, ay bahagi na rin ito ng pagpapakita ng pagmamahal sa bansa na makaka-ambag para sa isang harmonious environment.
Hinikayat din ng Pangulo ang lahat na kumuha ng inspirasyon kay dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na aniya’y nagpakita ng katatagan sa kanyang pinaniniwalaan at naging determinado sa kanyang pakikipaglaban.
Ngayon ang ika-40 death anniversary ni dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino at sa bisa ng Republic Act No. 9256 ay deklarado ang ika-21 ng buwan ng Agosto bilang Ninoy Aquino Day. | ulat ni Alvin Baltazar