Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga stakeholder ng public utility vehicle modernization program (PUVMP) na patuloy itong gumagawa ng hakbang upang matugunan ang kanilang hinaing.
Sa ginanap na consultation meeting sa Bacoor Cavite,
hinarap nina LTFRB Board Members Engr. Riza Marie Paches at Atty. Mercy Jane Paras-Leynes
ang mga stakeholder sa MUCEP area na kinabibilangan ng Metro Manila , Rizal, Laguna, Cavite, at iba pa.
Tinalakay sa konsultasyon ang iba’t ibang isyu na humahadlang sa mga tsuper at operator sa pagsali sa PUVMP.
Kabilang dito ang hinggil sa isyu ng kolorum, proseso ng consolidation, tulong-pinansyal at hanap-buhay para sa mga sumali sa programa at ang kawalan ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP).
Sa panig ng LTFRB, ilan sa mga isyu ay nagawan na ng paraan tulad ng pag-aalok ng Tsuper Iskolar at Entsuperneur Programs, at ang paglabas ng alternative certificate para naman sa mga rutang hindi pa nabibigyan ng LPTRP.
Bukod dito, ipinaliwanag din sa pulong ang iba pang mga benepisyo ng PUVMP. | ulat ni Rey Ferrer