Ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang ilan sa mga napag-usapan ng mga senador kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naging dinner nila kagabi.
Ayon kay Zubiri, casual lang ang naging dinner meeting kasama ang Presidente, at ginawa ito para lang kumustahin ang mga miyembro ng Mataas na Kapulungan.
Nasa 21 lang aniyang mga senador ang dumalo sa dinner meeting.
Kabilang aniya sa mga paksa na napag-usapan dito ang kasalukuyang problema sa pagbaha, isyu sa sektor ng agrikultura, at maging ang usapin sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ng Senate President, na alam at nirerespeto naman ni Pangulong Marcos Jr. ang paninindigan ng Senado tungkol sa WPS issue.
Pinaalam rin ng mambabatas sa Presidente, na ang resolusyon ay natalakay nila kasama si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, ang naturang resolusyon ay para matiyak na nakalinya sila sa ehekutibo.
Dinagdag naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, na tiniyak rin sa kanya ni Pangulong Marcos, na oras na maaprubahan ng Kongreso ang trabaho para sa Bayan Bill ay pipirmahan ito ng presidente bilang batas.
Ipinaabot rin ni Villanueva ang mungkahi niya na magkaroon ng integrated flood control masterplan. | ulat ni Nimfa Asuncion