Sinegundahan ng Department of Agriculture (DA) ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may sapat na suplay ng bigas ngayon ang bansa.
Sa panayam sa media, sinabi ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian na maganda naman ang produksyon ng bigas ngayon.
Katunayan, kung walang darating na malalakas na kalamidad ay inaasahan pa aniya nilang sasampa sa 20 milyong metriko tonelada ang produksyon ng bigas ngayong taon, na lagpas pa sa produksyon noong 2021 at 2022.
Dagdag pa nito, nananatili ang augmentation ng suplay mula sa mga paparating na imported na bigas.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Usec. Sebastian na tigilan na ang mga ispekulasyon na kakapusin ang suplay ng bigas dahil malaki aniya ang epekto nito sa mamamayan.
Una na ring ipinunto ni Pangulong Marcos na manageable ang rice situation sa bansa at stable ang suplay nito kahit matapos ang El Niño. | ulat ni Merry Ann Bastasa