Nanawagan ang Quezon City Government sa siklista sa viral video na hinampas sa ulo at kinasahan ng baril ng nakaalitang motorista na humarap din sa imbestigasyon.
Sa isang pahayag, iginiit ng Quezon City Government na mariin din nitong kinokondena ang nangyari sa siklista na naganap sa may Welcome Rotonda, Quezon City noong August 8.
Ayon sa LGU, walang puwang ang paggamit ng dahas sa lungsod.
Agad na pinaimbestigahan na ni Mayor Joy Belmonte sa Quezon City Police District, kasama ang QC Law and Order Cluster ang nangyaring pambabatok at pagkasa ng baril ng isang lalaki sa isang siklista.
Ngayong humarap na sa QCPD ang sangkot na motorista na isang dating pulis, pinag-aaralan na umano ang iba pang video mula sa mga CCTV sa lugar para malaman ang buong pangyayari.
Dahil dito, umaapela rin ang lokal na pamahalaan sa lalaking siklista na humarap sa imbestigasyon, kasabay ng pagtiyak sa kanyang kaligtasan.
Nanawagan rin ang QC Government na maglaan ng ligtas na bike lanes sa lahat ng siklista.
Una na ring naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order laban sa may-ari ng sasakyang sangkot sa viral na road rage video. | ulat ni Merry Ann Bastasa