Ngayong malapit na ang balik-eskwela ay tuloy tuloy na rin ang distribusyon ng Quezon City Government ng school supplies para sa mga estudyante ng pampublikong paaralan sa lungsod.
Pinangunahan mismo ni QC Mayor Joy Belmonte ang pagiikot sa ilang eskwelahan para personal na ipamahagi ang libreng mga gamit sa eskwela para sa mga estudyante mula sa Esteban Abad Elementary School, Lucas R. Pascual Elementary School, Rosa Susano Elementary School, Payatas Elementary School, Cubao Elementary School, at Pinyahan Elementary School.
Ayon sa LGU, nakadepende ang laman ng bawat bag sa pangangailangan ng mga estudyante kada grade level.
Aabot naman sa higit 458,000 school supplies ang target ipamahagi ng lokal na pamahalaan sa lahat ng pampublikong eskwelahan sa lungsod.
Bukod naman dito, bawat estudyante rin mula Grade 1 hanggang Senior High School ay makakatanggap ng tablet na magagamit nila sa kanilang pag-aaral.
Isasailalim rin ang mga estudyante sa eye check-up para malaman kung kailangan nila ng salamin.
Patuloy naman ang pagsasaayos ng lungsod sa mga pasilidad at equipment ng mga paaralan. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸: QC LGU