Patuloy ang pag-iikot ng social workers ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kalsada sa Pasay City para magsagawa ng reach-out operation sa mga kabataan, mga indibidwal at mga pamilyang nasa lansangan.
Bahagi pa rin ito ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng kagawaran ng ‘Oplan Pag-abot.’
Sa pag-iikot nito ngayong araw, kasama ng DSWD ang ilang kinatawan mula sa Pasay City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP), Philippine Statistics Authority (PSA), at Pasay City Health Office.
Una nang inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang ‘Oplan Pag-Abot’ team na palawakin ang mga reach-out operation lalo na ngayong papalapit ang “ber months.”
Pangunahing pinatututukan ng kalihim ang pagtulong sa “indigenous peoples (IPs) IPs in street situation” na inaasahang magbababaan sa Metro Manila habang papalapit ang holiday season. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: DSWD