Muling bubuksan ang recruitment process para sa mga dating mandirigma ng MNLF at MILF na mag-aasam maging miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo matapos na pormal na manumpa kahapon ang 102 MILF at MNLF recruits para sumailalim sa isang taong basic recruitment course at anim na buwang field training.
Kapag matapos sila dito ay bibigyan sila ng temporary appointment status at i-a-assign sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).
Ayon kay Fajardo, kulang pa ang mga ito para mapunuan ang 400 slot sa PRO-BAR na binuksan ng PNP para sa mga dating MNLF at MILF combatants.
Dahil dito sinabi ni Fajardo na itutuloy nila ang pagproseso sa 7,000 mula sa 11,000 MNLF at MILF members na nakapasa sa special qualifying eligibility examination ng PNP noong May 2022.
Ayon kay Fajardo, susunod nilang ipoproseso ang mga aplikante na nakapasa sa medical requirements para mapunuan ang kakulangan sa quota. | ulat ni Leo Sarne