“Moderate your greed.” Ito ang payo ni ACT-CIS Representative Erwin Tulfo sa mga kumpanya ng langis.
Sa isang Facebook post, pinuna ng mambabatas ang lingguhang taas-presyo ng produktong petrolyo na tahasan aniyang panloloko sa taumbayan.
Punto ni Tulfo, kung tumaas man ang presyo ng petrolyo sa World Market o sa pinagkukunan nila ay hindi ito dapat maramdaman ng publiko dahil hindi pa ito makakarating agad sa bansa.
Hindi aniya, makatwiran na maningil ng mahal ang mga oil company gayung old stock naman ang kanilang binibenta.
“Mantakin nyo…P4 kada litro two weeks ago, P1.50 per liter last week, tapos ngayon P00.50-P1.00 uli? Hindi rin nila pwedeng sabihin na tumaas kasi ang palitan ng dolyar (dahil yun ang pambayad nila) kasi wala pa sa mga depot nila yung inangkat nilang petrolyo na may price increase na sa ibang bansa!!! “moderate your greed”, ika nga sa ingles.” saad sa social media post ng mambabatas
Una nang naghain si Tulfo at ilang mambabatas ng panukala para sa tuluyang pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Imbes kasi aniya na magpababaan sa presyo ng produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis ay tila nagsabwatan pa ang mga ito, kung gaano kalaki ang kanilang ipapatupad na oil price hike linggo-linggo. | ulat ni Kathleen Forbes