Maituturing na justified ang request ng Office of the President (OP) para sa P1.408 billion na pondo para sa local at foreign mission ng Pangulo sa taong 2024.
Sa press briefing sa Malacañang, ipinaliwag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na isa sa mga nagawa ng Marcos Administration sa loob ng maikling panahon, ay ang pagbabalik sa Pilipinas bilang investment hub para sa ibang bansa.
“Iyong travel ng Presidente, dalawang klase iyan, mayroong state visit that they invite you and then mayroon din iyong mga investment roadshow. When I was asked previously doon sa SONA kung ano po sa tingin ko ang nagawa ng… this administration in such a short time – I think to bring us back to the map of an investment hub and opportunity for other countries.” —Secretary Pangandaman.
Bukod, kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sila rin aniya sa economic team ay lumalabas ng bansa upang iprisinta ang Pilipinas bilang investment hub sa potential foreign investors.
Dahil dito, naniniwala ang kalihim na kung nagbibenepisyo ang bansa sa mga pagbiyaheng ito, angkop lamang na mapaglaanan ng pondo ang mga inisyatibong ito.
Kung matatandaan, sa ikalawang SONA ni Pangulong Marcos Jr., binanggit nito na mula sa mga nagdaang foreign trips nito sa 10 bansa nasa P3.9 trillion na halaga ng investment pledges ang naiuwi ng Philippine delegation. | ulat ni Racquel Bayan