Resolusyon na kikilala sa hakbang ng administrasyon para resolbahin ang isyu sa certificate ng Pinoy seafarers, inihain sa Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inihain ni Zamboanga 1st district Rep. Khymer Olaso ang isang resolusyon upang kilalanin ang hakbang ng Marcos Jr. administration para ayusin at tumalima sa Standards of Training Certification and Watchkeeping o STCW.

Partikular na kinikilala at pinabibigyang papuri sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., DMW Sec. Susan Ople, CHED Chair Prospero De Vera at MARINA Administrator Hernani Fabia.

Sa House Resolution 1154 ng mambabatas tinukoy nito na dahil sa mga ipinatupad na hakbang ng administrasyon at pakikipag-ugnayan sa stakeholders ay muling kinilala ng European Union Commission ang certificate na ibinibigay sa Filipino seafarers.

Sa sulat ng EC Directorate General for Mobility and Transport noong Marso sa MARINA, nakasaad na batay sa kanilang assessment ay naisaayos ng Pilipinas ang mga programa at polisiya para makatalima sa isinasaad ng STCW convention.

Matatandaan na una nang nagbabala ang EU na kung hindi maisasaayos ng bansa ang training standards para sa mga marino ay hindi na kikilalanin ang sertipikasyon ng Pinoy seafarers na magreresulta sa pagkawala ng maraming trabaho. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us