Kinuwestyon ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang substitute bill na inaprubahan ng House of Representatives – Ad Hoc Committee on Military and Uniformed Personnel Pension System.
Sa isang statement, sinabi ng kalihim na hindi siya pabor sa itinatakda ng panukala na mandatory contribution ng military personnel lalo na sa mga nakakumpleto ng 20 taong pagseserbisyo.
Iginiit ng kalihim ang kanyang posisyon na walang dapat mabago sa pensyon at entitlement ng mga nagretiro sa militar; at dapat manatili ang 100 percent indexation, o pagsabay ng pagtaas ng pensyon sa pagtaas ng sahod ng mga aktibo sa serbisyo.
Ayon sa kalihim, ang pagtiyak na hindi mabawasan ang retirement benefits ng mga sundalo ang pinaka-simpleng paraan ng pagkilala ng pamahalaan sa kanilang sakripisyo para sa bayan.
Nilinaw pa ng kalihim na hindi dapat ihalintulad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ibang unipormadong serbisyo dahil sa “nature” ng kanilang trabaho kung saan nasa ilalim sila ng istriktong “military law” mula sa pagsasanay hanggang sa pagreretiro.
Dagdag ng kalihim, ang pagdagdag ng “burden” sa mga sundalo sa pamamagitan ng ipinapanukalang pension scheme ay makaka-distract lang sa kanila sa pagganap ng kanilang misyon. | ulat ni Leo Sarne