Pinasalamatan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang mga mambabatas sa kanilang pag-unawa sa posisyon ng DND sa Miltary and Uniformed Personnel (MUP) Pension Reform Bill.
Ito’y matapos sang-ayunan ni Albay 2nd District Representative at Chairman ng Ad Hoc Committee on Military and Uniformed Personnel Pension System, Joey Salceda ang request ni Teodoro na 100 percent indexation sa pension ng mga retirado at magreretirong sundalo at pag-alis ng mandatory contribution para sa mga kasalukuyang nasa serbisyo.
Nilinaw ni Teodoro na hindi tutol ang DND sa Pension Reform, bagkus ay tumutulong na bumuo ng isang “sustainable” pension scheme.
Binigyang-diin ng kalihim na ang hiningi niyang mga pagbabago para sa military personnel ay naaayon lang sa malaking pagkakaiba ng kanilang serbisyo sa iba pang miyembro ng unipormadong serbisyo.
Paliwanag ni Teodoro, hindi lumalaki ang bilang ng AFP na tulad ng ibang serbisyo na kailangang sumabay sa paglaki ng populasyon, kaya ang gastusin ng pamahalaan sa pensyon ng mga retiradong sundalo ay hindi madadagdagan pagdating ng panahon.
Sinabi pa ni Teodoro na bibilisan nila ang paglipat ng mga sobrang lupain ng AFP sa AFP Retirement Trust Fund para pampondo sa pensyon ng mga sundalo. | ulat ni Leo Sarne