Ilang araw bago ang filing ng certificate of candidacy, nagpaalala si Sen. Bong Go sa ilang mga kakandidato para sa Barangay at SK Elections.
Ayon sa senador, dapat na tandaan ng mga tatakbo sa eleksyon ang nakapaloob sa 1987 Constitution na “public office is a public trust.”
Ibig sabihin, dapat umanong maunawaan ng mga ito na sa lahat ng pagkakataon ay obligado silang paglingkuran ang kanilang mga mamamayan lalo na sa barangay na unang tinatakbuhan ng mga nangangailangan.
Aniya, oras na maluklok ang mga ito sa posisyon, malaki na ang inaasahan sa kanila ng kanilang mga nasasakupan.
Nakiusap rin ang senador sa mga kakandidato na palaging unahin ang kapakanan at interes ng mamamayan at iprayoridad ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap.
Para kay Sen. Go, maituturing na performance check para sa mga dati nang opisyal ang idadaos na BSKE habang hamon naman ito sa mga bagong kakandidato.
Simula sa Aug. 28, tatanggap na ang Commission on Elections ng certificate of candidacy para sa mga tatakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections na gaganapin sa Oct. 30. | ulat ni Merry Ann Bastasa