Pinagtibay ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang Senate adopted resolution 83 na nagpapahayag ng pakikidalamhati ng mataas na kapulungan sa pagpanaw Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan ‘Toots’ Ople.
Sa naturang resolusyon ay kinilala ng mga senador ang dedikasyon ni Secretary Ople sa kanyang adbokasiya para sa labor sector at sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa kanyang sponsorship speech para sa resolusyon, inalala ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang naging pahayag ng kalihim nang tanggapin niya ang tungkulin bilang DMW secretary kahit pa na-diagnose ito ng breast cancer dalawang taon na ang nakararaan.
Naging inspirasyon aniya kay Zubiri ang naging pahayag ni Ople noon na nais niyang ilaan ang kanyang buong buhay para sa kanyang adbokasiyang pagsilbihan ang ating mga OFW.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na perfect para maging DMW secretary si Secretary Toots dahil sa matagal na nitong adbokasiya para sa kapakanan ng mga manggagawang Pinoy sa loob at labas ng Pilipinas.
Pinunto rin ni Villanueva ang mga napagtagumpayan ng DMW sa ilalim ng pamumuno ni Ople kabilang na ang pagtatatag ng One Repatriation Command Center, digitalization at national reintegration programs, bilateral labor agreements, at anti-illegal recruitment and trafficking in persons campaign.
Inalala rin ni Senate Committee on Migrant Workers chairman Senador Raffy Tulfo ang mahusay niyang pakikipagtulungan sa kalihim sa pagtatguyod ng kapakanan ng mga OFW.
Nakita aniya ni Tulfo ang passion ni Ople para sa mga OFW at binigay na halimbawa ang pagiging hands on nito sa mga kaso ng mga OFW na nangangailangan ng rescue sa ibang mga bansa.
Ginawa namang co-author ng resolusyon ang lahat ng mga senador.
Inanunsyo rin ni Sen. Zubiri na bukas ay pupunta ang mga senador sa lamay ni Secretary Toots sa Heritage Park para personal na iabot sa naulilang pamilya ng kalihim ang kanilang pinagtibay na resolusyon.| ulat ni Nimfa Asuncion