Umapela si Senador Alan Peter Cayetano sa Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng kautusan para sa magiging pondo sa susunod na taon ng sampung EMBO barangays.
Ang EMBO barangays ay tumutukoy sa sampung barangay na dating sakop ng Makati City pero batay sa ruling ng Korte Suprema ay bahagi na ngayon ng Taguig City.
Hiling ni Cayetano, maglabas ng memo ang DBM para lahat ng pondo para sa susunod na taon ng mga ahensya ng gobyerno sa mga EMBO barangay, gaya ng Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd ), ay mailipat sa hurisdiksyon ng mga nabanggit na ahensya na nasa Taguig.
Umaasa rin ang senador na maililipat na ang item ng mga guro sa distrito ng Taguig para maiwasan na ang kalituhan.
Sa kabila kasi aniya ng SC ruling ay nasa ilalim pa rin ng Makati City ang item ng mga public school teachers sa EMBO barangays.
Hinihikayat rin ng mambabatas ang DBM na pag-aralan na mailipat na sa Taguig ang huling bahagi ng 2023 Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga EMBO barangay.
Iginiit ni Cayetano na sa dahil 2022 pa naging pinal ang desisyon na ito ng Korte Suprema ay hindi na kailangan ng ‘writ of execution’ para sa paglilipat ng pamamahala sa lugar.| ulat ni Nimfa Asuncion