Pinasisiguro ni Senador Raffy Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) na mapupuno ng pasyente ang 68-bed capacity na OFW Hospital, at magagamit ang lahat ng pasilidad dito.
Sa organizational meeting ng Congressional Oversight Committee on Migrant Workers ngayong araw, nanghingi si Tulfo ng update mula sa DMW kaugnay sa lagay ngayon ng OFW Hospital na noong kanyang puntahan nitong Hulyo ay mistulang ghost town.
Ibinahagi ng senador, na sa kanyang naging pagbisita noon ay nasa dalawa lang ang pasyente ng ospital, at wala ring outpatient clients dahil hindi tumatanggap ang ospital ng pasyente kapag Sabado at Linggo.
Sinabi naman Dr. Karin Garcia, Officer in Charge at Administrator ng OFW hospital, na tumaas na ang bilang ng kanilang mga pasyente na nitong July ay umabot ng 42 in-patients habang ang kanilang outpatient clients ay umabot ng 3,000.
Tumatanggap na rin aniya sila ng mga pasyente tuwing weekend.
Sa ngayon ay nasa walo naman aniya ang naka-cofine sa kanilang pagamutan.
Pinayuhan naman ng senador ang DMW, na paigtingin ang information campaign para maipaalam sa mga OFW at kanilang dependents kung paanong makakapunta sa OFW hospital na nasa San Fernando, Pampanga.
Nangako rin si Tulfo, na isusulong ang panukalang magtatalaga ng OFW Lanes sa bawat Regional Hospital sa bansa para mas mapalapit sa kanila ang serbisyong medikal. | ulat ni Nimfa Asuncion