Bahagi ng bubuuing MUP Trust Fund ay ilalaan para sa mga indigent o disadvantaged military and uniformed personnel (MUP) pensioners.
Paliwanag ni Ad Hoc Committee Chair Joey Salceda, batay sa datos, 72% ng mga nagretirong MUP ay lumipat sa bagong career o nagsimula ng negosyo.
Ngunit mayroon din higit 30% na masasabing indigent.
Kaya naman sa inaprubahang substitute bill ng MUP Pension Reform ng komite, nakasaad na bahagi ng bubuuing MUP Trust Fund ay ilalaan para sa disadvantaged MUPs.
“Dun sa mga pondo na icre-create kailangan maglaan para dun sa mga sabihin na natin na mga hindi maka-cope up sa kanilang economic conditions. Dahil 72% nga went on to new careers and new businesses. So ibig sabihin may 32% na hindi naka move on. So syempre ‘pag hindi nakaka-move on, inaalalayan.”, sabi ni Salceda
Ito aniya ay yung mga MUP na posibleng na-scam o kaya ay may espesyal na pangangailangang medikal at kailangan ng dagdag na tulong pinansyal.
Ipapaloob aniya sa bubuuing implementing rules ang regulations sakaling maisabatas ang MUP pension kung ilang porsyento sa naturang trust fund ang maaaring ipagamit sa kanila gayundin ang magiging panuntunan para maikonsidera na indigent o disadvantaged.
“[Dapat] the fund should also be resilient and responsive to the needs of the pensioners. Sinasabi ko nga based naman sa empirical evidence, 72% talaga ng pensioners moved on to new careers and new businesses. So yung 32%, kailangan isaalang-alang. Halimbawa na-scam siya, okay, pwede siyang pautangin, bibigyan ng mas mahabang period ng pagbayad.”,paliwanag pa ni Salceda. | ulat ni Kathleen Jean Forbes