Nakatutok na ang Inter-agency Committee on Inflation and Market Outlook sa pangunguna ng NEDA sa sitwasyon ng suplay at presyo ng bigas sa merkado.
Ayon kay Socioeconomic Planning Sec. Arsenio Balisacan, kasama sa mino-monitor ng komite ang implikasyon ng paggalaw sa presyo sa global market at pati na ang epekto ng mga tumatamang kalamidad at banta ng El Niño sa sektor.
Sa ngayon, nakikita naman aniya ng NEDA na maayos pa ang suplay ng bigas sa bansa dahil may mga pumasok ding imported rice sa unang bahagi ng taon.
Kung sakali naman aniyang magkakaroon ng kakulangan, maaaring irekomenda ang dagdag na importasyon at pagpapalakas sa lokal na produksyon.
Pagtitiyak naman ng Kalihim, handa ang gobyerno na magbigay ng tulong sa mga mahihirap kung patuloy na sisipa ang presyo ng bigas. | ulat ni Merry Ann Bastasa