Siniguro ng Bureau of Plant Industry na may sapat na suplay ng sibuyas sa bansa hanggang Disyembre.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committe on Agriculture and Food patungkol sa hoarding at cartel ng sibuyas, sinabi ni BPI Dir. Glenn Panganiban, na mayroong isang buwang suplay ang bansa ng puting sibuyas o yellow granex ngayong Agosto.
Inaasahan naman na may darating din ngayong buwan na 4,000 metric tons ng imported white o yellow onions upang mapunan ang target na 2 months buffer stock supply.
Pagdating naman sa red onions, mayroon aniyang suplay na tatagal ng higit sa 100 araw.
Naglalaro naman aniya sa P140-P160 ang presyo ng puting sibuyas habang P140-P170 naman sa pula.
“As of early this month meron pa po tayong one month’s worth ng onion supply. Ang atin pong plano…at least 2 months po. So until now naman open ang ating importation sa yellow and this is monitored…We are still expecting arrivals for this August around mga 4,000 metric tons. But for the red onions, we still have almost, more than 100 days.” ani Panganiban.
Inusisa naman ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga kung ang suplay na ito ay sasapat para mapanatili na mababa ang presyo nito at hindi maulit ang pagsipa ng hanggang P500 hanggang P700 tulad noong nakaraang taon.
“Is that supply equivalent to the demand for our people up to December?” giit ni Barzaga.
“It’s more than ample.” tugon ni Panganiban.
Hanggang nitong July 14 aniya, ang suplay ng pulang sibuyas ay tatagal ng 162 days o hanggang December 23.
Pagtiyak pa nito na kung mapapanatili nila ang 17,000 hanggang 21,000 metric tons na suplay ng pulang sibuyas at 4,000 metric tons na dagdag sa puting sibuyas ay kakayanin aniya nitong punan ang demand ng bansa at mapapanatili ang nabanggit na presyo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes