Magiging malaking problema para sa susunod na administrasyon kung hindi magkakaroon ng reporma sa pension system ng mga military and uniformed personnel (MUP).
Sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado para sa panukalang 2024 National Budget, ipinunto ni Finance Secretary Benjamin Diokno na sa ngayon pa lang ay napakabigat na ng MUP pension fund…
Katunayan, sa ngayon ay mas mataas na ang pondong nakalaan para sa MUP pension kumpara sa mismong pondo para sa operasyon ng militar.
Sa ilalim ng panukalang 2024 budget, P164 billion ang alokasyon para sa MUP pension.
Ayon kay Diokno, hindi maituturing na tunay na pension system ang mayroon ang mga MUP, dahil hindi naman sila nagkakaroon ng kontribusyon kundi sagot lahat ito ng pamahalaan.
Isa pang posibleng epekto ng hindi pagreporma ng pension system ay ang pagbaba ng investment grade ng bansa.
Kapag nangyari aniya ito ay mahihirapan ang ating bansa na mapondohan sa taunan nating pambansang budget, mahihirapan tayong mangutang at maging ang mga pribadong sektor ay mahihirapan ring manghiram ng pera. | ulat ni Nimfa Asuncion