Nagpahayag ng suporta ang Sweden sa posisyon ng Pilipinas na dapat manaig ang rules-based international order sa West Philippine Sea (WPS) issue.
Ang pagsuporta ng naturang bansa ay ipinaabot ni Swedish Ambassador to the Philippines H.E. Annika Thunborg, sa kanyang pakikipagpulong kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sa DND Headquarters sa Camp Aguinaldo, nitong Lunes.
Malugod namang tinanggap ni Sec. Teodoro ang suporta ng Sweden at ng iba pang bansa, at sinabing inaasahan niya na magkakaroon ng “global consensus” sa pagtataguyod ng 2016 Permanent Court of Arbitration (PCA) ruling, na kumilala sa karapatan ng Pilipinas sa Exclusive Economic zone sa WPS.
Napag-usapan din ng dalawang opisyal ang modernisasyon ng AFP, kung saan muling inalok ng Embahador na i-supply sa Philippine Air Force ang kanilang flagship multirole fighter aircraft na Saab JAS-39 Gripen.
Kapwa nagpahayag ang dalawang opisyal ng commitment sa “long-term partnership” ng Pilipinas at Sweden, kasabay ng pagpapalakas sa kooperasyong pandepensa ng dalawang bansa. | ulat ni Leo Sarne