Nasa may 75,000 na mga potensyal na trabaho ang naghihintay sa mga Pilipino bilang bunga ng mga naging pagbiyahe sa labas ng bansa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang sinabi sa Malacañang press briefing ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na aniya’y manggagaling sa sektor ng enerhiya kabilang na ang renewable energy.
Nagma-materialize na ani Laguesma ang naging pakikipag-usap ng Pangulo sa mga pinuntahan nitong bansa na malaki ang posibilidad na lumikha ng trabaho para sa mga manggagawang Pinoy.
Kabilang aniya dito ang mga bansang Germany, Singapore, Estados Unidos at The Netherlands na nagpahayag ng kanilang commitment para maglagak ng kanilang negosyo sa bansa.
Sa ngayon ayon kay Laguesma ay nakikipag-ugnayan na sila sa DTI at DOT hinggil dito upang matingnan din naman ang available manpower para sa nasabing malaking job demand na naghihintay sa ating mga kababayan. | ulat ni Alvin Baltazar