Nalalapit na ang pag-apruba ng Kamara sa panukalang Trabaho Para sa mga Pilipino Act o House Bill 8400.
Ang naturang panukala, na isang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority bill, ay nilalayong magkaroon ng Jobs Creation Plan (JCP) na magsisilbing national master plan para sa employment generation at recovery ng bansa.
Sa pamamagitan nito ay inaasahang matutugunan ang job-skills mismatch sa labor market at tiyakin na ang kakayanan at kasanayan ng mga manggagawa ay angkop sa pangangailangan ng mga kompanyang itinayo sa bansa.
Itatatag ang isang Inter-Agency Council for Jobs and Investments na bubuuin ng Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Migrant Workers, Department of Budget and Management, Department of Finance, National Economic and Development Authority, at isang kinatawan mula sa management at labor organization.
Hinihikayat din dito ang aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan.
Una nang napagtibay sa Senado ang kahalintulad na panukala noong Mayo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes