Nasa imahinasyon lang ng Chinese ambassador ang sinasabi niyang pangako umano ng Pilipinas na alisin sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre.
Ito ang sinabi ni National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) Spokesperson Jonathan Malaya sa isang Zoom press briefing, kasabay ng paglilinaw na walang legal na dokumento tungkol sa sinasabing pangako ng Pilipinas.
Wala din aniyang record o anumang minutes ng meeting o verbal agreement na alam ang National Security Council tungkol dito.
Paliwanag ni Malaya, kung meron mang mga dating opisyal ng pamahalaan na sumang-ayon na alisin sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre, ito ay kontra sa opisyal na posisyon ng gobyerno ng Pilipinas.
Tiniyak pa ni Malaya na ang mga kasalukuyang opisyal ng pamahalaan ay hindi lalagda o sasang-ayon sa anumang plano na epektibong magsusuko ng “sovereign rights” ng Pilipinas sa Ayungin Shoal o anumang bahagi ng West Philippine Sea na saklaw ng Exclusive Economic Zone ng bansa. | ulat ni Leo Sarne