Nagbigay-pugay ang Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa dating Pangulong Fidel Valdez Ramos sa unang anibersaryo ng kanyang pagpanaw.
Isang simpleng programa ang isinagawa kahapon sa Libingan ng mga Bayani na pinangunahan ni SAF Director Police Major General Rudolf Dimas, bilang pagkilala sa malaking kontribusyon sa bansa ng dating Presidente.
Sinabi ni Maj. Gen. Dimas, na ang dating Pangulong Ramos na pumanaw noong July 31, 2022, ay nag-iwan ng di-malilimutang alaala sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang dedikasyon sa serbisyo, mabisang pamumuno, at commitment sa progreso ng bansa.
Ipinamalas aniya ng dating Pangulo sa kabuuan ng kanyang termino ang kahalagahan ng pagkakaisa, mahusay na pamamahala, at pagsulong ng kapayapaan.
Ayon kay Maj. Gen. Dimas, ang pagbibigay pugay ng SAF sa dating Pangulo ay bilang pagkilala at pagpapahalaga sa mga lider na nagkaroon ng malaking papel sa kasaysayan ng bansa. | ulat ni Leo Sarne
📸: SAF