Makakatuwang na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA) para sa pagtataguyod ng bolunterismo sa mga social protection programs ng ahensya.
Kasunod yan ng nilagdaang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at ni PNVSCA Executive Director Donald James Gawe.
Ayon kay DSWD Sec. Gatchalian, mahalaga ang paglalaan ng oras ng ibat ibang grupo para mas mabuhay muli at maipalaganap ang konsepto ng Bayanihan.
Kadalasang nakikipagtulungan sa mga volunteer group ang DSWD sa disaster response, gaya ng repacking ng food packs at pati na loading at unloading nito sa mga warehouse.
“We all know that the most precious commodity is time. I have always come to realize that people always find it easy to do social responsibility programs by donating, but when we ask them for time, that is something that they cannot give,” ani Secretary Gatchalian.
Sa ilalim ng MOU, bubuuin ang isang mekanismo kung saan itutulak ang pakikilahok ng volunteer organizations at mga indibidwal sa ibat ibang social protection programs ng DSWD.
Ang DSWD ay isa sa mga unang government agencies na siyang nag-adopt ng Bayanihan Bayan Program ng PNVSCA. | ulat ni Merry Ann Bastasa