Bilang paghahanda sa pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral ngayong buwan, nakiisa si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa pagsasagawa ng Brigada Eskwela sa tatlong malalayong paaralan sa Davao.
Kabilang sa mga binisita ni VP Sara ang Tapak Elementary School, Gumitan Elementary School, at Dominga Elementary School kung saan sinamahan nito ang mga guro, mga magulang, at mga mag-aaral sa paglilinis at pagpipinta ng mga kagamitan sa silid-aralan.
Ang mga komunidad ng mga nasabing paaralan ay dating kontrolado ng New People’s Army at karamihan ng mga residente ay mga katutubong lumad.
Nagpasalamat naman si Dominga Elementary School Principal Jerez Baltunado sa pagbisita ng Pangalawang Pangulo. Aniya, ito ay magsisilbing inspirasyon sa mga estudyante upang pagbutihin ang kanilang pag-aaral.
Samantala, nangako naman ng ang Office of the Vice President sa pamamagitan ng mga satellite office nito sa Luzon, Visayas, at Mindanao na susuportahan ang Brigada Eskwela activities.
Nakatakda namang lumahok si VP Sara sa Brigada Eskwela sa Vicente Duterte Elementary School sa Bansalan, Davao Del Sur bukas. | ulat ni Diane Lear