Dumalo si Vice President Sara Duterte sa pagdiriwang ng National Heroes Day sa Liberty Shrine, Lapu-Lapu City sa Cebu, ang lugar kung saan naganap ang unang himagsikan laban sa mga mananakop noong 1521.
Pinangunahan ni VP Sara ang wreath-laying ceremony o ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Lapu-Lapu, ang unang bayani ng bansa, na ang katapangan ay naging inspirasyon ng mga sumunod pang mga bayani ng ating bansa.
Sa mensahe ng Pangalawang Pangulo, nanawagan ito sa mga Pilipino na hanapin ang kabayanihan sa sarili at magkaisa para malampasan ang mga hamon at makamit ang layunin ng bansa.
Ani VP Sara, ang katapangan, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan ang ipinakita ni Lapu-Lapu at mga taga-Mactan upang matalo ang mananakop na si Ferdinand Magellan noong 1521.
Umaasa naman si VP Sara, na ang mga sakripisyo ng ating mga bayani ay maging inspirasyon para maitaguyod ang bagong henerasyon ng mga Pilipinong walang takot, walang pag-iimbot at pinagbuklod ng pagmamahal sa ating bayan. | ulat ni Diane Lear