Dinepensahan ni Vice President Sara Duterte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP).
Sa naging pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance tungkol sa panukalang pondo ng OVP para sa susunod na taon, ipinaliwanag ni VP Sara na ginagamit ang naturang pondo para matiyak na ligtas at matagumpay ang magiging pagpapatupad ng mga programa at aktibidad ng lahat ng satellite offices at central office ng OVP.
Ginagamit rin aniya ito kapag umuupo siyang chairperson ng executive committee, na siyang nagsisilbing caretaker ng bansa kapag nasa foreign trip si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Idinagdag rin ng bise presidente, na nagagamit rin ang confidential fund sa pagsasagawa ng surveillance activities, kaugnay sa mga reklamong natatanggap nila mula sa taumbayan.
Tiniyak rin ni VP Sara, na hindi nagkakaroon ng duplication o hindi nila inuulit ang trabaho ng ibang ahensya ng gobyerno, dahil iba naman ang kanilang mandato at binabahagi rin aniya nila ang nakukuha nilang mga intelligence report sa AFP, PNP at iba pang intel agencies.
Sa huli, sinabi ni VP sara na nasa desisyon pa rin ng Kongreso kung ibibigay sa kanila ang hinihiling nilang confidential fund, at mabubuhay naman ang OVP kahit walang confidential funds.
Gayunpaman, mapapadali aniya ang trabaho ng kanilang opisina kung may CIF. | ulat ni Nimfa Asuncion