Matagumpay na nailigtas ng Naval Task Force-61 (NTF-61) ng Naval Forces Western Mindanao (NavForWem), sa koordinasyon ng iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan at mga law enforce agency, ang 123 mga biktima ng human trafficking sa Tubalubac Island, Barangay Aluh Bunah sa bayan ng Pangutaran, Sulu.
Sa kasagsagan ng operasyon, narekober din ng mga tropa ang mga war materials at iligal na droga.
Ito’y kinabibilangan ng siyam na improvised non-electric blasting caps, apat na metrong time fuse, isang M1 Garand rifle, isang M14 rifle, isang M16A1 rifle, 80 round ng bala ng caliber 30, 150 round ng bala ng 7.62mm, 300 round ng bala ng 5.56mm, anim na bala ng kalibre 45, tatlong steel magazine ng M14, sampumg clip ng M1 Garand, isang steel magazine ng kalibre 45, at sampung gramo ng pinaghihinalaang shabu.
Ang naturang war materials at droga ay nasamsam sa loob ng bahay ni Jammang.
Ang nailigtas na mga biktima ay nasa kustodiya na ngayon ng Ministry of Social Services and Development ng BARMM para sa dokumentasyon at suporta.
Habang ang nakumpiskang mga armas ay dinala na sa CIDG-Sulu Provincial Field Unit para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Ayon sa NavForWem, karamihan sa nasagip na mga biktima ay nanggaling sa Cebu at Bohol.
Pinuri naman ni Rear Admiral Donn Anthony Miraflor, kumandante ng NavForWem, ang kanilang joint operating forces dahil sa isa na namang matagumpay na misyon na naglalayong labanan at sugpuin ang human trafficking activities sa Western Mindanao. | ulat ni Lesty Cubol | RP1 Zamboanga