Inabsuwelto ng Quezon City Prosecutor’s Office ang dalawang kawani ng Quezon City hall, matapos mapatunayang walang basehan para maidiin ang mga ito sa reklamong direct bribery, at paglabag sa Republic Act of 11032 o Ease of Doing Business and efficient Government Service Delivery.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng isang Anthony Stephen Monteiro Y Eleazar laban kina Ulyssses Dela Cruz at Shaine Ann Marie Cabuang Y Baguisi ng QC Treasurer’s Office, nang mag-apply noong April 18 si Monteiro ng Certificate of Retirement of Business sa QC Treasurer’s Office at si Dela Cruz ang nag-evaluate ng mga papeles nito.
Humingi ng discount si Monteiro sa babayaran dito, at sinabihan ito ni Dela Cruz na magbayad ng halagang P50,000 at ibigay ang bayad kay Cabuang.
Dahil naibaba ang babayaran, nagreklamo naman si Monteiro sa E-Sumbong kaya’t agad nagsagawa ng entrapment operation ang QCPD Kamuning Police Station laban kay Dela Cruz.
Sa pagbusisi ng korte sa kaso makaraan ang serye ng pagdinig, napatunayan ng Prosecutor’s Office na walang sapat na batayan upang ang dalawang QC hall employees ay madiin sa naturang mga kaso.
“Respondents cannot be indicted for violation of Section 13 of RA 11032 because there is no showing that complainant ask for a receipt from the respondents. Besides respondents were not given the opportunity to issue a receipt during the entrapment operation” nakasaad sa nilagdaang resolusyon ni Asst. City Prosecutor Carayugan-Lugo sa kaso.
Kaugnay nito, sinabi ni City Treasurer Edgar Villanueva, nang kanyang malaman ang insidente ay agad niyang sinuspinde sa trabaho ang dalawa upang bigyang daan ang imbestigasyon sa kaso.
Giit nito, simula’t sapul ay naniniwala siyang walang kasalanan ang dalawang tauhan dahil mahigpit ang kanyang kampanya laban sa korapsyon sa kanyang tanggapan.
Binigyang diin ni Villanueva, na walang puwang sa kanyang tanggapan ang mga anomalya. | ulat ni Merry Ann Bastasa