2025 BSKE at internet voting, ‘di naisama sa panukalang pondo ng COMELEC sa susunod na taon

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inilatag ni Commission on Elections (COMELEC) Chair George Garcia sa mga mambabatas na hindi naisama sa kanilang 2024 proposed budget ang pondo para sa 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa pagharap ng poll body sa Kamara, sinabi ni Garcia na sa P27.3 billion na panukalang pondo nila sa susunod na taon ay hindi naisama ang pondo para sa susunod na BSK elections.

Naisumite na kasi aniya nila ang budget proposal para sa 2024 National Expenditure Program (NEP) bago naglabas ng desisyon ang Korte Suprema, patungkol sa legalidad ng pagpapaliban ng BSK elections.

Sa naturang desisyon, sinabi na matapos ang October 2023 BSK elections, ang susunod na eleksyon ay dapat gawin na sa 2025.

Kaya naman apela ni Garcia sa mga mambabatas, na maibalik sana ang hinihingi nilang P5 billion na gagamitin para sa paghahanda sa dalawang eleksyon sa 2025.

“Maybe the adjustment of the salary grades of our hardworking personnel can wait kahit po isang taon man lang, Pero at this point hindi po kasi makakahintay yung preparation natin. We do not want to compromise the 202[5] elections. the 202[5] elections is the reflection on what will happen on 2028.” ani Garcia

Bahagi ng naturang pondo ang pag-lease ng bagong mga makina para sa automated elections.

Ayon sa COMELEC Chair, isasantabi na kasi nila ang 98,000 na vote counting machine na pagmamay-ari ng poll body at magle-lease na lang ng bagong para sa 2025 elections.

Kabilang din sa nabawas sa orihinal na pondong hiling ng COMELEC ang P794 million para sana sa internet voting. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us