Nakatanggap ang National Telecommunications Commission (NTC) ng mahigit 45,000 reklamo sa text scams sa kabila ng implementasyon ng SIM registration.
Sinabi ni NTC Commissioner Ella Blanca Lopez na nakakatanggap ang ilang SIM registrants ng text scams na nagsasabi na sila ay magpadala ng pera sa scammers.
Aniya, nakatanggap ang ahensya ng kabuuang 45,697 reklamo mula sa mga biktima ng text scam.
Ayon kay Lopez, nagpulong na ang technical working group ng NTC noong August 29 upang talakayin ang post-registration validation mechanism at ma-trace ang mga rehistrasyon na gumamit ng pekeng IDs.
Sa huling datos ng NTC ay may kabuuang 118,908,469 SIM cards ang rehistrado na hanggang nitong September 3.
Hangad ng ahensya na sa pamamagitan ng SIM Registration Act ay mawawakasan ang mga krimen tulad ng text at online scams na makatutulong sa regulasyon sa pagbebenta at paggamit ng SIM sa pag-aatas ng rehistrasyon sa end-users. | ulat ni Mary Rose Rocero