Ipinag-utos na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang imbestigasyon sa mga ulat na kinokolekta ng isa umanong kulto sa Surigao del Norte ang cash grant ng ahensya sa mga miyembro nitong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Kasunod ito ng ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros sa isang Socorro Bayanihan Services Inc., na hinihinalang isang religious cult sa Surigao del Norte.
Sa pagharap ni Sec. Gatchalian sa Senate Finance Sub-committee, sinabi nitong lumabas sa kanilang inisyal na imbentaryo na may 74 households ang 4Ps beneficiary sa Sitio Kapihan sa bayan ng Socorro.
“In that barangay itself, Barangay Siring, we have 503 households,”
Nakipag-ugnayan na rin aniya ang kalihim sa kanilang field offices at LGU sa lugar para alamin ang sitwasyon ng 4Ps beneficiaries sa lugar.
“It’s against the creed of the Department when may tumabas, no matter kung sino man ‘yan (whoever violates, no matter who it is), no government official, no private individual can take what is given directly to the beneficiary,”
Bukod naman sa 4Ps, pinasisilip na rin ni Secretary Gatchalian ang mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) sa naturang lugar kung apektado rin sila ng umano’y Socorro cult.
Nangako ang kalihim na agad ipapadala sa senado ang magiging resulta ng kanilang backtracking at imbestigasyon sa 4Ps at AICS cluster.
“Whenever we get allegations of AICS misuse, we take it seriously, and even here in the Central Office, in any of our Field Office,”. | ulat ni Merry Ann Bastasa