Boluntaryong sumuko sa militar ang limang miyembro ng Basilanbased Abu Sayyaf Group (ASG) bitbit ang kani-kanilang mga armas.
Ang sumukong mga bandido ay kinilalang sina Ammeng Lakibul Ahamsirul, alyas Idol; Musaifil Alamsirul, alyas Piping; Rajim Arakani Barahim, alyas Rajim; Arman Kahaki Misa, alyas Man; at Jajilun Aranan Hussin, alyas Hussin.
Sumuko ang lima dahil sa sama-samang pagsisikap ng 18th Infantry Battalion ng Philippine Army, Joint Peace and Security Team (JPST), at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan.
Iniharap sila kahapon kay BGen. Alvin Luzon, kumander ng Joint Task Force Basilan, sa headquarters ng 101st Infantry Brigade, Philippine Army sa Barangay Tabiawan, Isabela City, Basilan.
Bibit ng limang bandidong Abu Sayyaf ang dalawang M16 rifle, isang M1 Garand rifle, isang 40mm Grenade Launcher, at isang Colt AR-15 RP M613.
Ayon kay Gen. Luzon, ang boluntaryong pagsuko ng mga Abu Sayyaf ay resulta ng walang tigil na focused military operations ng pwersa ng pamahalaan, at ang mabisang estratehiya sa pagpigil ng pagpasok ng mga resource mula sa kanilang mga tagatangkilik sa komunidad.
Ayon kay Gen. Luzon, ang sumukong mga bandido, na ngayo’y tinatawag na former violent extremists (FVEs), ay makatatanggap ng mga benepisyo mula sa pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Local Integration Program (E-CLIP). | ulat ni Celestino Escudero | RP1 Cagayan de Oro
📸 1st Infantry “Tabak” Division, Philippine Army