Nakatakdang mamigay ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Visayas ng P15,000 cash assistance para sa mga apektadong rice retailer sa rehiyon matapos ang implementasyon ng Executive Order No. 39.
Ayon sa DSWD 7, nakahanda na ang P1.3 milyong pondo na mula sa Sustainable Livelihood Program ng ahensya na ibibigay sa 87 rice retailers na inilista ng DTI at dumaan sa proseso ng verification at profiling.
Pinakamaraming rice retailers mula sa Negros Oriental ang napabilang sa first pay-out Huwebes, Setyembre 14, 2023 kung saan umabot sa 63 ang mga benepisyaryo.
Nasa 17 na rice retailers ang napabilang sa unang batch mula Cebu, 6 mula sa Bohol, at 1 mula sa Siquijor.
Hinimok ni DSWD 7 Protective Services Division Chief Emma Patalinghug ang mga hindi napabilang sa listahan ng mga benepisyaryo na huwag nang pumunta sa pay-out venue upang maging maayos ang pag-aabot ng ayuda mula sa gobyerno.
Siniguro naman ni SLP Regional Program Coordinator Maria Rosana Coritico na may grievance desk ang DSWD at DTI sa bawat payout venue sa Cebu, Bohol, Negros Oriental, at Siquijor upang tugunan ang mga katanungan at concerns ng mga rice retailers.
Ang cash assistance ay bilang tugon sa pangangailangan ng mga micro rice retailers na apektado sa implementasyon ng EO 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na nagtakda sa rice price cap upang masolusyonan ang pagtaas ng presyo ng bigas. | ulat ni Jessa Agua-Ylanan | RP1 Cebu