Aabot sa walong libong drivers at operators ng mga public utility vehicle mula sa Ilocos Region ang nakatakdang makatanggap ng fuel subsidy mula sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board Region 1.
Aasahan na anumang araw ay sisimulan na ng LTFRB ang pamamahagi ng fuel subsidy sa transport sector sa rehiyon.
Sa isang panayam sinabi ni Atty. Annabel Nullar, LTFRB OIC Regional Director, hinihintay pa ng kanilang pamunuan ang advisory mula sa Central Office.
Aniya, anumang oras ay maaari na silang magbigay ng requirements para makuha na ng mga recipients ang kanilang fuel subsidy sa bangko.
Paliwanag naman ng LTFRB, kinakailangan na may prangkisa o rehistradong miyembro ang driver o operator upang siya ay makwalipika na makatanggap ng ayuda.
Aabot sa 1K-10K ang posibleng matanggap ng mga ito mula sa tricycle drivers hanggang sa mga modernized jeepney at UV Express.
Una nito ay sinimulan na nung nakaraang araw (Sept 13) ang pamamahagi ng subsidiya sa NCR.
Malaking bagay umano ito sa mga tsuper upang maibsan ang ilang linggo ng patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Hiling lang naman ng mga ito na madaliin ang pagbibigay ng naturang ayuda. | ulat ni Verna Beltran | RP1 Dagupan