Admin investigation sa 4 na tauhan ng OTS natapos na; vetting process sa mga papasok na tauhan mas hihigpitan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na natapos na ang administrative investigation sa mga tauhan ng Office of the Transportation Security (OTS) na sangkot sa pagnanakaw ng pera mula sa isang Chinese na biyahero.

Sa ambush interview sa kalihim matapos ang plenary deliberations ng 2024 budget ng DOTr sa Kamara, sinabi nito na batay sa imbestigasyon ay kapwa guilty ang apat na OTS screening personnel sa ginawang pagnanakaw.

Lumalabas din aniya na pera talaga ang isinubo at sinubukang lulunin ng babaeng screening personnel na nakita sa CCTV, taliwas sa sinumpaang salaysay nito na tsokolate ang kaniyang kinain.

Hindi rin aniya isinasantabi ng Kagawaran ang posibilidad na maharap ang apat na tauhan ng OTS sa kasong kriminal at maungkat kung sino-sino pa ang maaaring kanilang mga kasabwat.

Pagtiyak naman nito na mas maghihigpit sila sa vetting process ng mga aplikanteng papasok sa OTS.

Kinumpirma rin ni Bautista na kaniya nang natanggap ang resignation letter ni OTS Administrator Ma. O Aplasca.

Aniya ito ay kaniyang isusumite sa Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para desisyunan kung tatanggapin ang pagbibitiw ng opisyal o hindi.

Bago aniya ito ay nakausap niya si Aplasca na sinabing nalulungkot sa mga pangyayari.

Batid aniya ni Aplasa ang malaking problema sa OTS ngunit ito aniya ay mga problemang kaniya nang minana.

Posible naman na ang deputy administrator ng OTS ang pansamantalang magsilbing officer-in-charge kung tuluyang tanggapin ang pagbibitiw ni Aplasca.

Lunes nang hamunin ni Speaker Martin Romualdez si Aplasca na bumaba sa pwesto dahil sa hindi pa rin natutugunan ang isyu ng pagnanakaw sa mga pasahero.  | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us