Bibisita sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites bukas si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. at US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, kasama si United States Indo-Pacific Commander, Admiral John C. Aquilino.
Iinspeksyunin ng mga opisyal ang mga itinatayong EDCA facility sa Lal-lo Airport at Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; at ang kumpletong EDCA project sa Basa Air Base, Pampanga.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Enrico Gil Ileto, ang pagbisita ay pagkakataon din para sa mga opisyal na makita ang potensyal ng mga naturang base para sa iba pang mga pasilidad na susuporta sa Humanitarian and Disaster Relief (HADR) activities.
Ang pagbisita sa mga EDCA site ay paunang aktibidad bago magpulong ang Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) sa Camp Aguinaldo sa Huwebes.
Ayon kay Lt. Col. Ileto, ang naturang mga aktibidad ay nagtatampok ng malapitang kooperasyong militar ng Pilipinas at Estados Unidos sa pagsulong ng pambansang depensa, regional security at HADR efforts. | ulat ni Leo Sarne