Tiniyak ni Philippine Army Commanding General Lieutenant General Roy Galido ang pagsasanib-pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para matiyak ang seguridad sa Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang pagtiyak ay ginawa ng heneral sa isinagawang Regional Joint Security Control Center (RJSCC) meeting kahapon sa Alnor Hotel and Convention Center, sa Cotabato City.
Ang naturang pagpupulong ay pinangunahan ni Commission on Elections (COMELEC) Chairperson, Atty. George Erwin Garcia, kung saan tinalakay ang komprehensibong planong panseguridad sa rehiyon upang matiyak ang matagumpay na halalan sa Oktubre.
Ito’y kasunod ng desisyon ng COMELEC na huwag i-postpone ang eleksyon sa rehiyon, sa kabila ng panawagan ng lima sa anim na gobernador sa rehiyon at ng Police Regional Office (PRO) BAR.
Kasama din sa mga dumalo sa pagpupulong sina: Philippine Army Vice Commander at incoming Western Mindanao Command (WesMinCom) Commander Major General Steve Crespillo, 6th Infantry “Kampilan” Division at Joint Task Force Central Commander Major General Alex Rillera; mga opisyal ng PNP at BARMM at iba pang stakeholders. | ulat ni Leo Sarne
📸: 6ID