Nakiusap si AGAP party-list Rep. Nicanor Briones kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag nang ituloy ang panukala ng Department of Finance na “zero” o bawas taripa sa imported na bigas.
Ayon sa mambabatas, hindi lang ang mga magsasaka ang posibleng maapektuhan ng naturang hakbang, kundi maging ang industriya ng pagbababoy, pagmamanok at iba pang produktong agrikultural.
Sa halip, mungkahi ni Briones na magbigay ng ayuda sa mahihirap katulad ng “food stub” na pambili ng lokal na pagkain gaya ng bigas.
Sa paraan aniyang ito ay matutulungan din ang mga magsasaka.
Hindi rin aniya dapat maging “unlimited” ang importasyon, bagkus ay maglagay ng “trigger price” kung kailan magbabawas o ititigil ang pag-aangkat at bantayang mabuti ang “farm gate price” upang ma-monitor kung nalulugi ba ang mga magsasaka. | ulat ni Kathleen Jean Forbes