Mariing pinabulaanan ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang alegasyon ng mga abogado ng teroristang grupo na “under duress” ang pagbibigay ng salaysay ng dalawang aktibistang si Jhed Reiyana Tamano at Jonila Castro tungkol sa boluntaryong pagsuko nila sa pamahalaan.
Sa pulong-balitaan kahapon, inilabas ng NTF-ELCAC ang video kung saan sinumpaan ng dalawa ang kanilang salaysay sa harap ni Atty. Joper Bagay ng Public Attorney’s Office (PAO), na sinaksihan pa ng mga magulang ni Tamano.
Sinabi ni Atty. James Clifford Santos, Associate Solicitor ng Office of the Solicitor General at Spokesperson ng NTF-ELCAC Legal Cooperation Cluster, na ang biglaang pagbaliktad ng dalawa sa kanilang salaysay sa pulong-balitaan kamakalawa ay lantarang pangungutya sa polisiya ng pamahalaan.
Malinaw aniya na ang pagsisinungaling ng dalawa ay may malisya para ipahiya ang pamahalaan, Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang NTF-ELCAC.
Dahil dito, mahaharap aniya ang dalawa sa “perjury charges”. | ulat ni Leo Sarne