Nakabantay na rin ang COMELEC sa mga makabagong paraan ng vote buying ngayong papalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Pagbabahagi ni COMELEC Chair George Garcia sa mga mambabatas, nakakuha aniya sila ng commitment mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council na tulungan sila sa pagbabantay sa posibleng transaksyon na may kaugnayan sa pagbili ng boto.
Sa bagong resolusyon na inilabas ng poll body, ilang mga aktibidad ang ituturing nilang vote buying at nasa ‘akusado’ na ang responsibilidad para pabulaanan ito.
Halimbawa aniya ay ang paglilipat o pagpapadala ng pera gamit ang makabagong pamamaraan gaya ng GCash o PayMaya.
Kung ang isang indibidwal aniya, kandidato man o hindi, na dati ay hindi naman nagpapadala ng pera ay ituturing na sangkot sa vote buying kung bigla itong magpadala ng tig-P500 o P1,000 sa 20 katao o higit pa.
Maliban dito, maaari na aniyang maghain ang COMELEC ng kaso laban sa vote buying motu proprio.
Hindi gaya dati na kailangan pa maghintay ng ‘party’ na maghahain ng reklamo para kanilang maaksyunan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes