Kinumpirma ni Commission on Elections (COMELEC) Provincial Election Supervisor, Atty. Marino Salas na anim na mga tatakbo sa darating na 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) ang napadalhan na ng kanilang tanggapan ng show cause order dahil sa premature campaigning.
Ang mga show cause order na ipinadala ng tanggapan ng COMELEC ay namula sa bayan ng Asingan, Dagupan City, Pozzurobio at Bayambang.
Bibigyan umano ang mga kandidatong ito ng limang araw upang magpaliwanag.
Nagsagawa ng premature campaigning o maagang pangangampanya sa social media bago pa man sumapit ang opisyal na umpisa ng campaign period sa October 19 hanggang 30, 2023 ang mga ito.
Tuloy-tuloy naman umano ang pagpapaalalang ginagawa ng COMELEC sa mga tatakbo sa halalan pangbarangay na iwasan ang ano mang uri ng premature campaigning.
Marami na rin umanong nagbaklas ng kani-kanilang mga ipinosteng election paraphernalias tulad ng poster at tarpauline sa mga tatakbo upang maiwasan ang reklamo ukol sa premature campaigning.
Nananatili namang bukas ang tanggapan ng COMELEC Pangasinan sa publiko upang tumanggap ng reklamo sa mga tatakbo sa halalan na nagsasagawa ng premature campaign.| ulat ni Ricky Casipit| RP1 Dagupan