Lagpas na sa 140,000 pamilya o mahigit 514,000 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Goring, Hanna, at habagat sa bansa.
Batay ito sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nagmula ang mga apektadong residente sa 1,756 na mga barangay sa Regions 1, 2, 3, 6, CALABARZON, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region (NCR).
Nasa 915 pamilya o mahigit 3,200 indibidwal ang pansamantalang sumisilong sa 52 evacuation centers.
Nananatili din sa dalawa ang naiulat na nasawi, isa ang sugatan, at isa ang nawawala.
Samantala, mahigit na sa ₱33-milyong piso ang halaga ng tulong na naipamahagi ng gobyerno kabilang na ang ready-to-eat food, family food packs, family kit, hygiene kit, at financial assistance. | ulat ni Leo Sarne