Nagpahayag ng interes ang Australia at Japan na lumahok sa joint maritime patrol ng Pilipinas at Estados Unidos sa West Philippine Sea.
Ito ang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Colonel Medel Aguilar kasunod ng pahayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner na pinaplantsa na plano para makasama sa naturang aktibidad ang iba pang bansa.
Ayon kay Col. Aguilar, iaanunsyo ang iba pang mga bansa na bukas sa ideya ng joint maritime patrols sa hinaharap.
Sinabi ni Col. Aguilar na habang marami nang bansa ang nagpahayag ng suporta sa posisyon ng Pilipinas sa pagtataguyod ng international law sa West Philippine Sea, walang bansa ang kumikilala sa labis-labis na pag-aangkin ng China sa naturang karagatan.
Ayon kay Aguilar, ang iresponsable at agresibong aksyon ng China sa pinag-aagawang karagatan ay hahantong sa “global isolation” ng China. | ulat ni Leo Sarne